IPAGBABAWAL na ng pamahalaan ang home quarantine sa lahat ng mga magpopositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), mahirap man o mayaman.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, sa loob ng kasalukuyang linggo ay mahigpit nang ipatutupad ang “no home quarantine” policy sa layong mapigil ang paglaganap ng virus.
“Nagsimula na kami mag-usap sa National Task Force last night. Titingnan namin kung pwede na ma-implement this week,” ani Año.
“Ang talagang pinakamaganda ay lahat ma isolate natin, rich or poor,” diin ni Año.
Nilinaw ng kalihim na mayruon pa ring exemptions ngunit pinaplantsa pa ang mga plano.
“For example, iyong isang very elderly na talagang mahirap ilagay sa isolation facility, pero well-to-do at kaya naman so yung mga ganong exemptions,” ayon sa opisyal.
Naniniwala pa si Año na hindi magiging problema sa mga “may kaya” sa buhay na hindi sa bahay magpa-quarantine dahil may mga hotel na nagsisilbing isolation facilities.
“Meron naman tayong mga COVID hotels na kung saan pwede sila mag-isolate. Importante kasi talaga na mailabas sila sa bahay kasi nakahahawa sa pamilya,” dagdag pa ng kalihim.
Ang Department of Health (DOH) at City Regional Surveillance Units (CESU) aniya ang magsasagawa ng inspeksyon para sa mga hihirit ng exemptions.
“We have to enforce strictly the no home quarantine at sabi ko nga kung kailangan ng exemptions we will be considerate,” pahayag ni Año.
Sa sandaling maaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang nasabing hakbang, bubuo ng Joint Memorandum Circular sa pagitan ng Department of Health at DILG patungkol dito.