NADAKIP ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang hinihinalang miyembro ng teroristang grupong Dawlah Islamiyah.
Tinukoy ni Philippine National Police (PNP) Chief General Camilo Cascolan ang pagkakakilanlan ng suspek na si Kevin Madrinan alyas Ibrahim na naaresto sa North Fairview sa Quezon City, Sabado ng alas-4:25 ng hapon.
Ayon kay Cascolan, si Madrinan ay sinasabing konektado kay Abu Sayyaf Group commander Mundi Sawadjaan na itinuturong responsable sa mga pagpapasabog sa Jolo, Sulu.
Isa umanong Balik Islam si Madrinan at may kinalaman din sa recruitment o paghihikayat ng kanilang mga miyembro.
Patuloy nang iniimbestigahan ng PNP kung may planong paghahasik ng terorismo si Madrinan at kung may mga kasabwat ito.
Tiniyak naman ng lider ng PNP na paiigtingin ang pagbabantay sa mga border sa Metro Manila kasabay ng paghikayat sa Muslim community na isumbong sa kanila sakaling may ma-monitor na kahina-hinalang personalidad sa kanilang lugar.
Kinalma rin ng heneral ang publiko mula sa ano mang pangamba dahil patuloy aniya ang operasyon ng PNP kontra terorismo.