Misis, dalawang anak, patay sa selosong mister

Share this information:

PINANINIWALAANG matinding selos ang nagtulak sa isang ama upang patayin sa saksak ang kanyang dalawang anak gayundin ang misis nito sa Tupi, South Cotabato.

Tinukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga nasawing biktima na sina Beverlyn Dinal, gayundin ang mga anak na edad 4 at 5 taong gulang.

Sinasabing nagsaksak din sa sarili ang suspek na si Allan Dinal, residente ng Barangay Kablon, na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Batay sa paunang imbestigasyon, sinundo ng suspek sa General Santos City ang kanyang asawa na nagtatrabahong kasambahay.

Kinagabihan ay narinig na lang ng mga kapitbahay ang sigawan at nang puntahan ang bahay ng pamilya Dinal ay tumambad ang duguang katawan ng mga mag-iina gayundin ang suspek na duguan ding may hawak na patalim.

Bagama’t naisugod sa ospital ang suspek, namatay ito dahil sa tinamong malalim na sugat sa tiyan dahil sa umano’y pagsaksak sa sarili matapos ang ginawang krimen sa kanyang mag-iina.

Hinihinala ng pulisya na nagselos ang suspek dahil itinatago na umano ng ginang ang cellphone nito at nilagyan pa ng password.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.