Miru, nag-iisang bidder pa rin sa ikalawang bidding para sa Comelec 2025 poll system

NANANATILI pa rin bilang nag-iisang bidder ang joint venture na pinamumunuan ng South Korean firm na Miru sa ikalawang round ng bidding ng Commission on Elections (Comelec) para sa pagbili ng bagong automated election system (AES) para sa 2025 national at local elections.

Sa unang round ng bidding, naging lone bidder din ang Miru ngunit idineklara ng Comelec Special Bids and Awards Committee (SBAC) ang “failure of competitive bidding”  makaraang matulasan na “ineligible” ang South Korean firm dahil nabigo itong makasunod sa “legal requirements” ng lease contract.

Dahil dito, nagsagawa ang Comelec SBAC ng pangalawang round ng bidding para sa AES noong Lunes kung saan nagsumite ang Miru ng bagong bidding documents.

Sa pangalawang round ng bidding, binanggit na anim na kumpanya ang bumili ng bidding documents mula sa Comelec SBAC para sa AES, subalit apat dito ay sumulat na sa Comelec SBAC at nagsabing hindi na sila lalahok sa bidding para sa proyekto

Sinubukan naman ng Smartmatic Philippines, na nauna nang pinagbawalang makilahok sa anumang procurement project, na magsumite ng kanilang bid ngunit hindi ito pinayagan ng SBAC secretariat dahil walang temporary restraining order na natanggap ang Comelec mula sa Korte Suprema na nagpapahintulot sa Smartmatic na makilahok sa Comelec bidding para sa 2025 AES.

Ang Comelec ay kasalukuyang naghahanap ng system provider para sa bagong AES na tinawag na Fully Automated System with Transparency Audit and Count (FASTrAC), na isang upgraded optical mark reader (OMR) paper-based AES na may kakayahang magsagawa ng Direct Recording Electronic (DRE).

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.