TINATAYANG mahigit-kumulang sa 10,000 na mga deboto ang matiyagang pumila para makalapit sa imahe ng Itim na Poong Nazareno para sa “Pagpupugay” o ang tradisyunal na Pahalik bilang bahagi ng Traslacion sa Enero 9.
Sa isinagawang surveillance monitoring ng Manila Police District (MPD), iniulat nito na tuloy-tuloy ang pagpila ng mga deboto na nagsimula pa ng tanghali noong Sabado.
Pagkatapos ng Misa ng alas 6 ng hapon para sa mga volunteer ay sinimulan na rin magpapasok para sa Pahalik.
Ayon kay MPD Director P/Col. Arnold Thomas Ibay, bukod sa mga kapulisan ng MPD ay may mga nakatalaga ring “force multipliers,” kasama na ang mga Hijos de Nazareno na gumagabay sa mga deboto sa pila hanggang sa Quirino Grandstand.
Sa ngayon ay maayos at walang namomonitor na insidente sa kahabaan ng Roxas Boulevard.
Tatagal ang pahalik hanggang Enero 8 habang ang tradisyunal na Traslacion ay magsisimula agad pagkatapos ng Midnight Mass at vigil sa Enero 9 o ang mismong araw ng Pista ng Itim na Nazareno.
Pinayuhan din ni Ibay ang mga deboto na mainam na magtungo at pumila sa umaga at gabi upang maiwasan ang init ng araw sa maghapon.
Ipinaalala rin ng opisyal na simula Lunes ay isasara na ang mga kalsada sa mga ruta na daraanan ng Traslacion.