Mga protesta, isinagawa ng ilang grupo laban sa China at aktibidad nito sa WPS at EEZ ng Pilipinas

DIE-IN protest at lightning rally ang isinagawa ng iba’t-ibang sektor ng kabataan upang ipakita ang mariing pagkondena ng mga ito sa mga agresibong aksyon ng Tsina sa West Philippine Sea (WPS) at sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ayon sa Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya  (ABKD), naglunsad sila ng protesta sa harapan ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas upang ipanawagan ang pagbasura sa isinasagawang agresibong aksyon ng Tsina, tulad ng banta nitong bagong regulasyon kung saan hindi na lamang pagbabawalan ang mga mangingisdang Pilipino kundi magbibigay din ng kapangyarihan sa China Coast Guard na hulihin at ikulong ang sinumang papasok sa binabantayan at pinag-aagawang teritoryo sa WPS simula sa Hunyo 15 dahil sa pagiging “trespassers” sa 9-dash line na Tsina.

Ang sinasabing nasasakupan nila ay maliwanag na nakapaloob sa ating economic exclusive zone –nakapaloob sa 200 nautical miles na tinatawag natin at sinasabi mismo sa ating Konstitusyon  na kailangang protektahan ng ating estado—kailangan nating protektahan ang ating mga Pilipino,” pahayag ni Rodolfo “RJ” Villena Jr., tagapagsalita ng ABKD sa isang panayam.

Sinabi pa ni Villena na maituturing na isa lamang itong pananakot sa ating mga mangingisdang Pilipino at hindi ito makakatulong para maresolba ang hindi pagkakaunawaan at magpapataas lamang ng tensyon sa pinag-aagawang mga teritoryo sa WPS.

Nanawagan din ang grupo na igalang ng Tsina ang 1982 United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Tribunal Ruling at huwag ng ituloy ang pagpapatupad ng bagong regulasyon.

Nanawagan din ang ABKD sa mga Pilipino at matataas na lider ng bansa na magkaisa aty suportahan ang lahat ng programa at polisiya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. hinggil sa pagpapanatili ng kapayapaan sa WPS at sa loob ng ating EEZ.

Bilang pagpapakita pa ng kanilang mariing pagkondena, ibinasura ng mga nagpo-protesta ang mga larawan na nagsasalarawan ng bagong regulasyon ng Tsina at iba pa bilang pagpapakita na hindi magpaparaya ang mga Pilipino at sa manlulupig ay hindi pasisiil. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.