NASA kustodiya na ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) ang anim na menor-de-edad na nasangkot sa isang riot sa Tondo, Maynila na nag-viral sa social media.
Ayon kay MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente, ang mga kabataan ay dadalhin sa Manila Reception and Action Center (RAC) at gagawan ng disposition at isasailalim sa intervention program habang ang tatlong nasa tamang edad na ay dadalhin naman sa Manila Police District (MPD) Station 2 para sampahan ng kaukulang kaso.
Nasangkot ang nasabing mga kalalakihan sa isang riot sa pagitan ng Barangay 28 at 32 sa Tondo kamakalawa at agad na na-rescue ang mga ito sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng MPD-Station 2 sa pamumuno ni Lt. Col. Gilbert Cruz katuwang ang MDSW Rescue Team.
Ang naganap na riot ay nag-viral sa social media at ito ay napanood ni Manila Mayor Francisco Domagoso kaya agad na inatasan ang MDSW at kapulisan na resolbahin na nagresulta naman sa pagkakaaresto sa mga pasaway na kabataan.
Ayon kay Dela Fuente, ang naturang aksyon ay bunsod ng inilabas na Executive Order No. 2 ni Domagoso na nagsasaad ng mahigpit na implementasyon ng “curfew” sa buong Maynila.
Pinuri at pinasalamatan naman ng pamahalaang lokal ang mga kapulisan sa agaran nilang aksyon at binalaan ang mga magulang na mahigpit na ipapatupad ang mga umiiral na ordinansa, partikular na ang curfew para mapanatili ang kaayusan, kapanatagan at peace and order sa lungsod.