HINIKAYAT ng alkalde ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang mga Manilenyo na makiisa sa gaganaping “Earth Hour” sa darating na Marso 23 ng taong kasalukuyan.
Pahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna, nanawagan siya sa mga mamamayan ng lungsod na gumawa ng simpleng sakripisyo para sa Inang Kalikasan sa pamamagitan ng pakikiisa sa 60-Minute Earth Hour o pagpatay ng ilaw na gaganapin sa Kartilya ng Katipunan.
Nagpasalamat din si Lacuna sa World Wide Fund for Nature-Philippines (WWF-Philippines) na siyang nag-organisa ng pagdiriwang ng “Earth Hour 2024” para sa Inang Kalikasan, katulong ang pamahalaang lungsod.
Bahagi ng pagdiriwang ngayong taon ang ilang makasaysayang lugar sa lungsod kabilang ang City Hall Clock Tower at Monumento ni Jose Rizal na magpapatay ng ilaw simula alas-8:30 hanggang alas-9:30 ng gabi sa Marso 23.
Binigyang-diin din ni WWF-Philippines Executive Director Katherine Custodio na karamihan ay nakakalimot na tayong lahat ay may malalim na koneksyon sa kalikasan.
Ngayong taon, ang Earth Hour Philippines ay nakatuon sa pagtugon sa plastic pollution na isa sa problema sa bansa at sa usapin ng kalusugan ng publiko.
“We generate 2 million tons of plastic waste in the Philippines every year, only 9 percent is recycled, and 35 percent leaks out into the open environment. As we are an archipelago of 7,640 islands, the damage caused by plastic pollution to our environment is magnified,” saad ni Custodio.
Ang kasunduan ng WWF-Philippines sa lungsod ng Maynila na maging katuwang sa paglaban sa polusyon dulot ng plastic ay pinagtibay matapos pirmahan ni Lacuna ang naturang kasunduan na maging “Plastic Smart City” ang lungsod kung saan layunin nito ang tuluyang pagbabawas ng 100 porsiyento ng basurang dulot ng plastic sa taong 2030.