HINIHIMOK ng Makabayan Bloc ang House Committee on Human Rights na magdaos ng pagsisiyasat “in aid of legislation” ukol sa mga “restriction” sa mga hindi pa bakunado, na ayon sa mga kritiko ay sumasagasa sa mga karapatan, nagdudulot ng diskriminasyon at “anti-poor.”
Sa House Resolution 2460, pinaiimbestigahan sa Mababang Kapulungan ang sinasabing mga paglabag sa karapatan ng publiko at epekto ng iba’t ibang resolusyon o kautusan ng gobyerno lalo na ng Inter-Agency Task Force o IATF, lalo na yaong mga paghihigpit sa mga taong hindi pa bakunado kontra COVID-19.
Ayon sa nasabing resolusyon, ang nakalipas na kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga punong barangay na tuntunin ang mga residente na hindi pa bakunado upang pagsabihan na huwag lumabas na bahay, at kung hindi sumunod ay pwede silang arestuhin.
Kabilang din sa tinukoy ng mga mambabatas ay ang IATF Resolution No. 155 kung saan ang Metropolitan Manila Development Authority at National Vaccination Operations Center ay maglatag ng guidelines para sa mas mahigpit na mga hakbang sa mga indibidwal na hindi pa nababakunahan; at ang MMDA Resolution 22-01 naman kung saan hinihikayat ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na maglabas ng ordinansa patungkol sa mga pagbabawal laban sa mga hindi pa bakunado.
Maging ang kontrobersyal na “no vax, no ride policy” ng Department of Transportation mga pasahero, at ang “no vax, no work policy” sa hanay ng mga manggagawa ay ipinasisilip din sa Kamara.
Ayon pa sa nasabing resolusyon, maging ang Commission on Human Rights at Department of Justice ay nagpahayag na walang batas para sa kriminalisasyon at paghihigpit sa mga hindi pa bakunado. Ang Integrated Bar of the Philippines naman ay nagsabing walang “legal basis” ang pag-aresto sa mga hindi bakunado na lumalabas ng bahay.

