Nagtatag ng memoriam wall ang Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church sa harap ng simbahan kung saan maaaring isulat ang pangalan ng mga yumaong mahal sa buhay lalo na ang mga nasawi sa coronavirus.
Ito ay bilang pakikiisa ng Simbahan ng Quaipo sa panawagan ng Arkidiyosesis ng Maynila na maglaan ng araw at oras para ipanalangin ang mga yumao na namatay dahil sa SARS-CoV-2 virus na siyang nagdudulot ng sakit na COVID-19.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng basilica, ito ay pakikiisa ng simbahan sa panawagan ng Arkidiyosesis ng Maynila na maglaan ng araw at oras para ipanalangin ang mga yumao dahil sa nakakahawa at nakamamatay na sakit.
“Mayroon kaming memoriam wall kung saan isusulat ng mga tao ang pangalan ng mga namatay sa panahon ng pandemya,” mensahe ni Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng basilica sa Radio Veritas.
Sa inilabas na pastoral instruction ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, hinihikayat nito ang mga simbahan na nasasakupan ng arkidiyosesis na magsagawa ng panalangin para sa mga apektado ng pandemya.
Noong ika-5 ng Mayo ay itinalaga ito ng arkidiyosesis sa pananalangin para sa lahat ng frontliners na patuloy sa paglilingkod sa gitna ng mapanganib na epekto ng pandemya sa sarili nilang kalusugan.
Ika-6 Mayo naman ang itinalagang araw para ipagdasal ang mga may karamdaman lalo na ang nahihirapan at nahawahan ng COVID-19 habang sa Mayo 7 naman ipagdasal ang mga pumanaw.
Ayon kay Fr. Badong, magsasagawa ng pagsisindi ng kandila at pag-aalay ng panalangin ang Quiapo Church sa gabi ng Mayo 6 ganap na alas 7 ng gabi na pangungunahan ni Msgr. Hernando Coronel.
Magtitipon naman ang mga pari ng arkidiyosesis sa Mayo 8 para sa isang misa ganap na alas 9 ng umaga sa Manila Cathedral para sa lahat ng yumao bunsod ng COVID-19 na pangungunahan ni Bishop Pabillo.
Hinikayat naman ang mga mananampalataya na makiisa sa mga gawain sa livestreaming sapagkat limitado lamang sa 30 porsyento ang pinapayagang makadalo sa mga simbahan bunsod ng modified enhanced community quarantine status sa National Capital Region at mga karatig lalawigan.

