TINATAYANG mahigit sa P200,000 halaga ng marijuana ang nasamsam sa Sta. Ana sa lungsod ng Maynila, na nagresulta din sa pagkaka-aresto ng isang hinihinalang tulak sa isinagawang buy-bust operation sa nasabing lugar bandang 1:30 ng umaga noong Martes.
Ayon sa ulat, ikinasa ang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District (MPD) sa loob ng isang bahay sa 2151D San Andres Extension, Brgy. 780 Zone 85, Sta. Ana, Manila, na nagresulta sa pagkaka-aresto sa suspek.
Narekober sa suspek ang 622.1 gramo ng Marijuana fruiting tops na may street value na P74,652 at 128.9 gramo ng Marijuana kush na may street value na P180,460 o kabuuang halaga na P255,112, isang brown paper bag at buy-bust money.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang kinakaharap ng suspek na si Ryngard Joshde Villa Dela ng 2440 Onyx St., Brgy. 775 Zone 85, Sta. Ana, Manila.