Mahigit 50 percent ng mga balota para sa 2023 BSKE, na-imprenta na — Comelec

INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) na nakapagpa-imprenta na ito ng mahigit 50 percent ng kabuuang mahigit 90 milyong official ballots para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataang elections (BSKE).

Sa datos ng Comelec, nasa kabuuang 45,373,628 na mga balota na ang naimprenta ng National Printing Office (NPO) mula sa kabuuang 90,613,426 na balota.

Sa nasabing bilang, kabuuang 32,975,599 balota ang naimprenta mula sa 66,973,949 ballots para sa barangay polls.

Samantala, nasa kabuuang 12,398,029 na mga balota naman mula naman sa 23,639,477 na balota para sa SK polls ang naimprenta na, ayon sa Comelec.

Ayon pa sa poll body, ang mga balota na naimprenta ay nakalaan para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Caraga, Soccsksargen, Davao Region, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, Eastern Visayas, Central Visayas, Western Visayas at Batanes province sa Cagayan Valley.

Habang ang mga lugar na hindi pa naiimprenta ang mga balota ay ang Bicol Region, Mimaropa, Calabarzon, Central Luzon, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, National Capital Region, at iba pang lugar sa Cagayan Valley.

Gayunman, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na hindi kasama sa bilang ang mga nag-apply sa katatapos pa lamang na voter registration.

May kabuuang 2,506,321 na aplikasyon ang natanggap sa buong bansa sa panahon ng pagpaparehistro ng mga botante mula Disyembre 12, 2022 hanggang Enero 31, 2023.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.