MAHIGIT 41,000 residente, o 67 porsiyento ng siyudad ng Las Piñas City, ang bumoto ng pabor sa isang ordinansa na nagtatakda ng mga “boundary” o hangganan ng teritoryo ng nasa 20 barangay sa nasabing lungsod.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia, batay sa Certificate of Canvass of Votes, nasa 41,493 na mga residente ang bumoto ng “Yes” habang 19,498 naman ang bumoto ng “No” nang tanungin kung sang-ayon sila sa paghati ng “territorial boundaries” ng 20 mga barangay.
Dahil dito, ang ordinansa ay naiproklama, niratipikahan at naaprubahan na.
Ang Ordinance No. 1941-23 Series of 2023 ay naglalarawan sa mga hangganan ng teritoryo ng 20 barangay sa lungsod alinsunod sa cadastral survey ng Department of Environment and Natural Resources na natapos noong Marso 2015.
Paliwanag ni Garcia na nanalo na ang “Yes” kaya epektibo na ang ordinansa, na naglalayong magbigay liwanag tungkol sa paghahati ng bawat barangay sa 20 mga barangay sa lungsod.
Gayunman, ikinalungkot niya na mababa ang naging voter turnout kung saan ito ay umabot sa 20 porsiyento lamang.
Ang Las Piñas City ay may kabuuang 308,059 na rehistradong botante, ngunit nasa 61,237 botante lamang ang aktwal na bumoto sa plebisito.