LTO, naglabas ng SCO laban sa drayber at may-ari ng trak na sangkot sa banggaan sa SLEX na ikinasawi ng tatlo katao

MANILA — Naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari ng trak at drayber nito kaugnay ng malubhang aksidente sa South Luzon Expressway (SLEX) sa Muntinlupa City noong Disyembre 23, 2025, kung saan nasawi ang tatlong miyembro ng isang pamilya.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng SLEX Patrol, magkasunod na binabaybay ng isang Honda City sedan at ng naturang trak ang Lane 4 ng SLEX nang mag-alangan umano ang drayber ng sedan kung magpapatuloy sa expressway o aakyat sa Skyway ramp. Bigla umanong lumihis ang sasakyan, dahilan upang mabangga at makaladkad ito ng trak—insidenteng humantong sa pagkamatay ng tatlong sakay.

Bilang tugon, inatasan ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang Intelligence and Investigation Division (IID) na magsagawa ng pagdinig at ipatawag ang may-ari at drayber ng trak. Itinakda ang hearing sa Enero 6, 2026 sa tanggapan ng LTO-IID sa East Avenue, Quezon City.

Inutusan din ang mga sangkot na magsumite ng verified comment/explanation upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat papanagutin sa kasong administratibong Reckless Driving, at kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang lisensya ng drayber dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle. Inaatasan din ang may-ari ng trak na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa paglabag na Employing a Reckless Driver.

Samantala, sinabi ni Asec. Lacanilao na habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, isinailalim sa alarm status ang nasabing trak at pansamantalang sinuspinde ang lisensya ng drayber sa loob ng siyamnapung (90) araw. Inatasan din ang drayber na agad isuko ang kanyang driver’s license sa LTO.

Binigyang-diin ng LTO na ang hindi pagharap sa itinakdang pagdinig at ang kabiguang magsumite ng notaryadong verified comment/explanation ay ituturing na pagwawaksi ng karapatang marinig, at ang kaso ay papasyahan batay sa mga ebidensiyang nasa rekord ng ahensiya.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.