ARESTADO ang isang 61 anyos na lolo na matagal nang nagtatago sa batas matapos nitong pagsamantalahan ang tatlong bata na anak ng kanyang kinakasama.
Iniharap ngayong umaga ni Manila Police District (MPD) Director Brig. General Andre Dizon kay Manila Mayor Honey Lacuna ang suspek na si Gener Argeles alyas Jose Gener Argales, o mas kilala sa tawag na “Lolo Gener,” na dating nakatira sa Dagonoy St., San Andres Bukid, Maynila ngunit nagtago at nanirahan sa panulukan ng Tabora St. at Recto sa Binondo, Maynila kung saan siya natagpuan at inaresto.
Sa presentasyon ni Lacuna, sinabi nito na pinagsamantalahan ng suspek ang tatlong anak ng kanyang dating kinakasama na edad 12, anim at dalawang taong gulang na batang babae.
Ayon sa alkalde, bilang ina, napakabigat aniya ang ginawa ng suspek dahil sa kanya ipinagkatiwala ang mga bata.
“Alam niyo ho, bilang ina, ay napakabigat po ang ginawa po niya dahil sa totoo lang dapat nga po eh itinuturing niya nang parang tunay na niyang anak dahil sa kanya na po ipinagkatiwala bilang tumatayong ama ng tatlong bata,” pahayag ni Lacuna.
Pero aniya hindi ito ginawa ng suspek bagkus ay pinagsamantalahan pa ang mga bata.
Ayon kay Dizon, ang pagkakaaresto ng suspek ay bunsod ng pagtugis sa mga wanted sa lungsod, partikular ang nasa listahan ng Top 10 most wanted person ng bawat istasyon ng pulisya.
Sinabi naman ni Meisic Police Station Commander PLt. Col. Rexson Layug na pansamantala munang idedetine sa kanilang detention facility ang suspek habang hinihintay ang kanyang commitment order.
Siya ay kinasuhan ng krimeng rape na may inirekomendang piyansa na P200,000 at 4 counts of acts of lasciviousness.