NAKIKIPAG-USAP na sa gobyerno ang isang kumpanya sa Pilipinas para sa vaccine self-sufficiency program.
Nabatid mula kay Secretary Francisco Duque III na ang Glovax Biotech Corporation ay nakikipag-ugnayan na sa Department of Science and Technology (DOST) sa layuning mabawasan ang pagkukumahog ng Pilipinas sa ibang bansa para sa suplay ng bakuna.
Dadalhin aniya ng Glovax ang teknolohiya sa bansa at gagawin ang lokal na bakuna.
Ayon sa kalihim, makabubuti ito upang hindi na napag-iiwanan ang bansa o umasa lang sa kakayahan sa paggawa ng bakuna ng ibang mga bansa.
Una na ring inihayag ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na nagpahayag na rin ng interes ang pinakamalaking vaccine manufacturer sa India para tulungan ang Pilipinas na gumawa ng lokal na bakuna.
Binigyan-diin ni Duque na ipinaunawa ng COVID pandemic ang pangangailangan sa paggawa ng lokal na bakuna.
Ipinakita aniya ng pandemyang ito na ang mga bansa na gumagawa ng bakuna ay inuuna ang kanilang mamamayan at ang mga bansa na walang kakayahang gumawa ng kanilang sarili ay umaasa lamang kung ano ang matitira.
Sa ngayon, umabot na sa 1,125,600 doses ng Sinovac at AstraZeneca ang natanggap ng Pilipinas na parehong donasyon ng gobyerno ng China at COVAX Facility kung saan nasa 240,000 healthcare workers na rin ang nabakunahan ng unang dose kontra COVID-19.