Lalaking nagbubugaw ng mga babaeng menor de edad sa Lucena City, timbog sa NBI

HINDI na nakaligtas sa kamay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki na umano’y nambubugaw ng mga kababaihang menor de edad sa Lucena City para makipagtalik kapalit ng bayad.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 ang suspek na kinilalang si Jomar Ledda alyas Omar.

Si Ledda ay inaresto ng mga tauhan ng NBI-Lucena District Office (NBI-LUCDO) Intelligence dahil sa impormasyong nakalap na pang-iimpluwensya at paghikayat nito sa mga kababaihang kabataan na makipagtalik sa mga lalaki.

Mula sa impormasyong natanggap, nagsagawa ng surveillance operation ang NBI-LUCDO kung saan nakumpirma na sangkot ang suspek sa human trafficking at nag-aalok sa mga menor de edad ng P2,000 bawat isa para sa “sexual services.”

Nagkasundo naman ang poseur-client at suspek na magkita sa isang motel sa Lucena City para sa alok na sexual services.

Dito na nagplano ng entrapment operation ang NBI-LUCDO at pagsapit sa motel, kasama ni Ledda ang tatlong kabataan at sa puntong mag-aabutan na ng bayad ay saka ito dinakip ng mga operatiba.

Sa pagkakataong ito, nasagip ang tatlong biktima ng trafficking kung saan isa ay 15 taong gulang lamang.

Isinalang na sa inquest proceedings sa Lucena City ang suspek.

Bukod dito, karagdagang paglabag sa R.A. 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children) ang isinampa laban sa suspek dahil sa pag-aalok sa kanyang live-in partner na makipagtalik sa ibang lalaki kapalit ng bayad. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.