Labing-pitong pulis na nakatalaga sa Manila Police District (MPD) Station 11 sa Binondo, Maynila ang nagpositibo sa COVID-19.
Nabatid na sumalang sa swab test ang 45 pulis nitong nakaraang Marso 11 kung saan nagpositibo ang 17, at karamihan ay asymptomatic at tatlo ang may mild symptoms.
Kaagad na nagsagawa ng disinfection sa Meisic Police Station at sa mga sakop na Police Community Precinct (PCP).
Ang mga nagpositibong pulis ay dadalhin sa quarantine facility upang hindi na makahawa pa.
Samantala, ayon kay MPD Chief PBrig. Gen. Leo Francisco, mula Marso 3 – 14 ay umabot na sa 46 ang bilang ng mga pulis sa Station 11 na tinamaan ng COVID-19. Karamihan sa mga ito ay magaling na at nakumpleto ang quarantine period.
Sa ngayon ay hinihintay pa na lumabas ang resulta ng swab test ng iba pang pulis, at kung patuloy na dadami ang magpositibo ay mapipilitan umanong pansamantalang isara ang presinto.
Nilinaw ni Gen. Francisco na hindi pa naka-lockdown ang presinto subalit kung may transaksyon ay magpunta na lamang sa Gandara PCP at Juan Luna PCP.
Pinayuhan din ni Gen. Francisco ang mga pulis na bagamat abala sila sa pagpapatupad ng mga health protocols ay huwag pabayaan ang kalusugan at doblehin ang pag-iingat.