Agad na nalutas ng Quezon City Police District (QCPD) sa loob ng 24 oras ang kaso ng pamamaril at pagpatay sa isang lalaki makaraang sumuko ang suspek sa mga awtoridad nitong Sabado, Setyembre 6, 2025.
Kinilala ni PCol. Randy Glenn Silvio, Acting District Director ng QCPD, ang suspek bilang si alyas “Noly,” 53, residente ng Brgy. UP Campus, Quezon City.
Sumuko ito sa mga operatiba ng Anonas Police Station 9 sa pangunguna ni PLt. Col. Zachary Capellan, dakong 9:30 ng umaga sa Tondo, Maynila.
Batay sa imbestigasyon, nag-ugat ang insidente sa pagtatalo ng suspek at biktima noong Setyembre 5, 2025, dakong 9:20 ng umaga sa Katipunan Avenue, Brgy. UP Campus.
Nauwi sa suntukan ang pagtatalo hanggang sa bumunot ng baril si Noly mula sa kanyang sling bag at tatlong beses na pinaputukan ang biktima—dalawa sa dibdib at isa sa ulo.
Mabilis na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo, habang dinala naman ang biktima sa Quezon City Medical Center kung saan idineklarang dead on arrival dakong 10:43 ng umaga.
Sa follow-up operation ng PS 9, nakakuha ng impormasyon ang mga pulis mula sa anak ng suspek sa pamamagitan ng Facebook Messenger.
Inamin ng anak na sangkot ang kanyang ama at tumulong ito upang makumbinsi si Noly na sumuko.Kinabukasan, Setyembre 6, dakong 9:30 ng umaga, boluntaryong sumuko ang suspek sa pinagsanib na puwersa ng PS 9 at District Intelligence Division (DID).
Lumitaw din sa beripikasyon gamit ang Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) system na dati nang nasangkot si Noly sa kasong falsification of public document noong Nobyembre 2023.
Nakatakdang kasuhan ang suspek ng murder sa Quezon City Prosecutor’s Office.

