Kinondena ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mga ulat kaugnay sa umano’y pagsira at “tampering” sa mga opisyal na dokumento ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may kinalaman sa mga anomalya sa kontrobersyal na flood control projects.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni ICI chairperson at dating Supreme Court Associate Justice Andres Reyes Jr. na ang ganitong mga gawain ay nakahahadlang sa lehitimong imbestigasyon at nakakasira sa tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.
“Ang ICI ay muling nagpapaalala na lahat ng rekord kaugnay ng public works ay pag-aari ng publiko. Anumang pagtatangka na sirain, pekein, o itago ang mga ito ay isang mabigat na paglabag na may kaakibat na administratibo at kriminal na pananagutan,” ani Reyes.
Tiniyak ng komisyon na isasagawa nito ang masusing imbestigasyon at nanawagan sa mga opisyal ng DPWH na makipagtulungan.
Iginiit din ng ICI na mahalaga ang transparency at accountability sa paggamit ng buwis ng taumbayan para sa mga proyektong pang-imprastruktura.
Una nang ibinunyag ni DPWH Secretary Vince Dizon kay Baguio City Mayor at ICI Special Adviser /Investigator Benjamin Magalong na isang nagngangalang Baguio City District Engineer Rene Zarate ang nasa likod ng pagsira sa mga official records na may kinalaman sa flood control projects.
Pinatawan na ni Dizon si Zarate ng 90-day preventive suspension at napag alamang nakahanda na itong ipatawag ng ICI sa susunod na mga araw para imbestigahan.