Grab drayber na wanted sa panghoholdap at pagpatay sa kanyang pasahero, timbog sa QC

Share this information:

NATIMBOG ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD-CIDU) ang isang Grab driver na sinasabing wanted dahil sa panghoholdap at pagpatay sa kanyang babaeng pasahero kamakailan lamang.

Batay sa report kay QCPD Director Police Col. Danilo Macerin, nakilala ang suspek na si John Lester Alhambra, 24 taong gulang, residente ng Blk 3, Lot 8 Carissa 4C, Barangay Kaypian, San Jose Del Monte, Bulacan at maging ang kasabwat nito na nadakip din na si Bryan Kennet Yumol, 24 na taong gulang, ng Venus Compound, Sitio Libjo, Barangay Sto. Mini, Paranaque City.

Ayon kay Macerin, dakong alas 8:30 ng gabi ng Linggo nang maaresto sina Alhambra at Yumol sa Sauyo Flea Market sa Novaliches.

Nauna rito, pasado 12:30 ng hatinggabi nitong Biyernes, April 2, nang holdapin at brutal na paslangin nina Alhambra ang biktima na si Carlota Antasuda, 24 anyos, sa bahagi ng Ocean Park sa Barangay Sauyo.

Lumalabas sa imbestigasyon na nagpa-book umano ang biktima sa Grab para makauwi ito sa Pasig mula UP Techno Hub sa Barangay UP Diliman.

Dumating sa kinaroroonan ng biktima si Alhambra sakay ng isang kulay kayumanggi na Mitsubishi Montero (RMZ-170) sa halip na ang susundo sana ay itim na Toyota Innova na may plakang NDA- 3563.

Sa kabila nito ay sumakay pa rin ang biktima at lingid sa kaalaman nito na nasa likod ng upuan ang isa pang suspek na si Yumol at pagdating sa madilim na bahagi ng isang lugar hindi kalayuan sa pinagsunduan ay doon na nangyari ang insidente.

Matapos umanong holdapin ay pinagsasaksak pa nina Alhambra ang biktima bago itinapon ang katawan nito sa bakanteng lote.

Sa follow up operation ng mga awtoridad ay narekober sa mga suspek ang isang gintong kuwintas at Anne Klein wristwatch na pag-aari ng biktima habang ang kotse na ginamit sa krimen ay nakuha naman sa Rosal St. Sta. Mesa, Maynila.

Nakapiit na ang mga suspek sa CIDU detention facility sa loob ng Kampo Karingal at nahaharap sa kasong robbery with homicide.

Nakakalungkot at nangyayari pa ang ganitong insidente sa ganitong panahon na kung saan ay nagninilay-nilay dapat tayo, sinasabi ko sa inyo wag na wag kayong gagawa ng masama lalo na dito sa Lungsod Quezon, mahahanap at mahahanap namin kayo para pagbayaran ninyo ang inyong ginawang kamalian,” pahayag ni Macerin.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.