Global clinical trial ng Molnupiravir, kailangan pa ng makikilahok mula sa Pilipinas

NANGANGAILANGAN pa ng karagdagang mga indibidwal sa bansa na maaaring sumalang sa clinical trial ng paggamit ng molnupiravir bilang prophylaxis o gamot para pigilan ang sakit matapos makasalamuha ng taong may COVID-19.

Sinabi nina Dr. Joel Santiaguel ng Quirino Memorial Medical Center at Dr. Benjamic Co ng Asian Hospital Medical Center na patuloy na umuusad ang Phase 3 ng MOV-e-AHEAD global clinical trial ng molnupiravir upang tukuyin kung magiging mabisa itong gamot sa mga taong nakasalamuha ng COVID-19 positive para mapigilang makaramdam ng sakit.

Katuwiran ni Dr. Co ay mahalagang mayroong gamot na hindi lamang makagagaling sa COVID-19 kundi makatutulong din kapag mayroong exposure dahil hindi naman isandaang porsyento ang bisa ng bakuna.

Partikular na puwedeng ma-enrol sa worldwide clinical trial na ito ay ang mga kasamahan sa bahay ng isang nagpostibo sa COVID-19 na wala pang bakuna o hindi nabakunahan pitong araw bago ang enrollment, walang COVID-19 o hindi pa tinamaan ng virus at edad labing-walo pataas.

Sa ngayon, sinabi ni Dr. Co na alinsunod sa compassionate special permit ng Food and Drug Administration ay maaari lamang maibigay ang molnupiravir sa mga taong may COVID-19 at hindi pa aprubado bilang post-exposure prophylaxis o gamot para hindi magkasakit ng COVID-19.

Nababawasan umano ng limampung porsyento ang insidente ng hospitalization o pagkamatay sa limang araw na treatment regimen ng molnupiravir para sa mga pasyenteng may mild hanggang moderate COVID-19.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.