MAGSASAGAWA ng field testing sa automated election system (AES) ang Commission on Elections (Comelec) sa 14 lugar sa bansa simula bukas araw ng Sabado (November 16, 2024) bilang paghahanda para sa 2025 midterm elections.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang testing sa 35 sites ay layong masiguro na ang mga presinto at canvass results ay maita-transmit sa pamamagitan ng electronic transmission mula sa polling centers at mga lugar ng canvassing sa kanilang otorisadong destinasyon.
Ang field test ay isasagawa sa mga sumusunod na probinsya– Antique (3 sites), Batanes (4), Davao del Sur (3), Palawan (4), Tawi-Tawi (4), at sa Special Geographic Area (4).
Sa National Capital Region (NCR) , ang testing ay isasagawa sa Manila –2 sa Sampaloc; 2 sa Pateros at 2 sa Taguig City.
Para sa overseas, ang mga lugar ay sa Asia Pacific — Japan (Tokyo Philippine Embassy); United States of America: (New York Philippine Consulate General and Philippine Embassy, Washington, D.C.); Middle East at Africa: United Arab Emirates (Abu Dhabi Philippine Embassy); at Europe: Athens (Athens Philippine Embassy).
Sinabi ng Comelec na ang field testing ay bahagau ng User Acceptance Test and Automated Counting Machine (ACM), Consolidation and Canvassing System (CCS), Online Voting and Counting System (OVCS), at transmission hardware at applications.
Ito ay isang pagsubok sa mga makina, aplikasyon, paghahatid, at pamamaraan na ginagawa sa isang aktwal na lokasyon kung saan ito gagamitin sa araw ng halalan, ayon pa sa komisyon.

