NADAGDAGAN pa ng apat na katao ang bilang ng mga kaso ng monkeypox (mpox) sa Calabarzon, ayon sa Department of Health (DOH).
Dahil dito, umabot na sa kabuuang 13 ang naitatalang kaso ng mpox sa rehiyon. Ayon sa DOH, nasa pagitan ng 24 at 66 taong gulang ang mga pasyente
Dagdag pa ng ahensiya, lahat ng apat na pasyente ay nasuring positibo sa Clade II variant, na mas banayad na uri ng nasabing virus.
Dalawa sa mga pasyente ay lalaki na mula sa Rizal habang ang dalawang iba pa ay isang lalaki at isang babae na mula naman sa Laguna. Isinugod sila sa ospital matapos magsimulang makaranas ng sintomas sa unang lingo ng Nobyembre ang mga ito.
Ang tatlong lalaking pasyente ay kasalukuyan namang naka-home isolation.
Samantala, ang 66 anyos na babaeng pasyente ay naospital ngunit nakarekober na noong Nobyembre 19, ayon sa DOH.
Tiniyak naman ng DOH-Center for Health Development Calabarzon Regional Epidemiology Surveillance Unit sa publiko na mahigpit nitong binabantayan ang sitwasyon.