Mayroon na umanong matatawag na outbreak ng kaso ng COVID-19 sa hanay ng mga person deprived of liberty (PDL) sa Davao City Jail.
Sa “Laging Handa” briefing, sinabi ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Davao spokesperson Jail Inspector Edo Lobenia na umaabot ngayon sa 68 na PDL at walong BJMP personnel ang tinamaan ng virus.
Sa ngayon ay naka-isolate o nakahiwalay na sa quarantine facility sa loob din ng pititan ang mga nagpositibo sa COVID-19.
Sinabi ni Lobenia na patuloy na ang kanilang monitoring sa sitwasyon ng mga nagka-virus na halos mga asymptomatic.
Ayon pa kay Lobenia, pinaigting na rin nila ang kanilang contact tracing sa mga huling nakahalubilo ng mga nagpositibo at ang mga ito ay isinalang na rin sa swab test.
Suspendido rin aniya sa ngayon ang dalaw sa mga bilanggo at pansamantalang ipinatutupad ang e-dalaw.
Pagtitiyak pa ni Lobenia na tanging ang Davao City Jail lang ang may kaso ng virus infection habang ang iba pang jail facilities sa Davao ay nananatiling zero sa COVID-19.