Nagpositibo kahapon sa coronavirus disease (COVID-19) ang alkalde at isang konsehal ng munisipyo ng Bocaue, Bulacan.
Si Mayor Jose Santiago Jr. at Councilor Aldrin Sta. Ana nitong Miyerkules ay nag-post sa kanilang Facebook account na kapwa sila sumailalim sa swab testing.
Makaraang mabatid ng alkalde na siya ay nakasalamuha ng isang nagpositibo sa nasabing virus ay agad siyang sumailalim sa swab test kung saan siya nga ay nagpositibo.
Ang swab test result ay lumabas Martes ng gabi mula sa Joni Villanueva Molecular Laboratory.
“I immediately took swab test at the Joni Villanueva Molecular Laboratory in Brgy. Igulot and the result came out last night,(Tuesday),” Santiago said.
Pinayuhan naman ni Santiago ang mga taong nagkaroon siya ng close contact na obserbahan at mag-self quarantine na at upang makasiguro ay magpa-swab test na rin para sa kanilang seguridad.
Kung magkakaroon umano sila ng ano mang sintomas ay agad ipagbigay alam sa Barangay Health Officer o tumawag sa Municipal Covid Hotline: 0997 601 0408 para maaksyunan agad.
Samantala, kasabay din ni Mayor Santiago ang kaniyang konsehal na si Sta. Ana na nagpahayag din sa kaniyang FB account na nagpositibo rin sa COVID-19.
“I am in good condition and I only need to finish two weeks of self quarantine to make sure I do not infect others,” ayon kay Sta Ana.
Isinailalim naman sa lockdown ang buong munisipyo ng Bocaue para isasagawang disinfection kung saan sa Lunes na umano muling bubuksan sa publiko.
Magugunita na kabilang sa mga Bulacan officials na nagpositibo sa Covid-19 mula nang mag-pandemic ay sina Governor Daniel Fernando, Baliwag Mayor Ferdie Estrella at Bulakan Mayor Vergel Meneses.