SI mismong Interior Secretary Eduardo Año ang nagkumpirmang nabakunahan na kontra sa COVID-19 ang ilang miyembro ng gabinete, Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Pero ayon kay Año, si Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi nagpabakuna dahil na rin sa payo ng kanyang mga duktor.
Sa naging pahayag ni Año, kinumpirma nito na halos lahat na ng mga sundalo, PCG at maging ang tagapangasiwa sa kaligtasan ng Pangulo, ang Presidential Security Group (PSG) ay nabakunahan na.
Pero tumanggi naman ang opisyal na tukuyin kung naturukan na din sya ng COVID-19 vaccine na sinasabing gawa ng “Sinopharm” mula China.
Pero inamin ni Año na wala pang bakuna sa bansa na may final approval ng Food and Drug Administration (FDA).
Sinabi ni Año na ang kaniyang pagkumpirma ay dahil nais niyang maging prangka at tapat.
Samantala, kinontra naman ni AFP spokesperson Major General Edgard Arevalo ang naging pahayag ni Año at ng pangulo na kasama sa mga naturukan na ng bakuna ang halos lahat ng sundalo sa bansa.
“Wala po tayong alam na AFP-sanctioned na binakunahan ng Armed Forces of the Philippines,
ngayon, kung meron pong ganyang mga report, hayaan po ninyo na i-validate natin ito upang sa ganun ay malaman natin ang detalye na meron po hinggil sa balita na yan,” pahayag ni Arevalo sa isang live telecast press briefing kahapon.
Maging ang Department of Health (DOH) ay mangunguna na rin sa imbestigasyon kaugnay sa insidente dahil walang anumang bakuna mula sa China o ibang bansa ang inaprubahan na ng FDA.
Kaugnay nito ay umani na naman ng pagbatikos mula sa mga netizens ang magkakasalungat at magulong pahayag ng gobyerno dahil taumbayan ang nalalagay sa balag ng alanganin ang kanilang kalusugan.