Breaking News

Share this information:

ISANG barko na nagkakarga umano ng gasolina ang sumabog at nagdulot ng malaking sunog sa Delpan Wharf sa Maynila, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Kabuuang anim na indibidwal naman ang nasugatan kabilang ang apat na crew ng MV Titan-8 habang ang dalawa ay tripulante ng katabing MV Princess Christine.

Mayroon ding dalawang indibidwal na nananatiling “unaccounted for” mula sa MV Titan-8.

Agad na nagpadala ng medical service ang PCG upang mabigyan ng agarang tulong ang mga apektadong tripulante.

Nagpadala rin ang PCG ng dalawang aluminum boats kasama ang rescue divers para tumulong sa pagsagip sa mga biktima.

Ipinadala rin ng BRP Panglao (FPB-2402) ang kanilang  rigid hull inflatable boat (RHIB) na may submersible pump para tumulong sa firefighting operations.

Ayon sa PCG, nagpupuno ng gasolina ang barko bago ito tumulak papuntang Palawan nang mangyari ang insidente.

Naliligo naman umano ang master ng barko nang makarinig ng pagsabog kaya agad itong tumalon mula sa barko na nakadaong sa Delpan Wharf.

Maging ang iba pang crew ng barko ay tumalon na rin upang makaligtas sa malaking sunog na nagsimula pasado alas 8 ng umaga.

Naglagay na rin ng anim na segment ng oil spill boom ang PCG Marine Environmental Protection Command (MEPCOM) upang maiwasan ang pagkalat ng langis.

Nagpapatuloy pa rin ang pag-apula ng sunog na umabot na sa ika-limang alarma dakong alas 12:53 p.m., ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP),

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: