Balasahan sa NBI para sa de-kalidad na serbisyo sa taong bayan, isinagawa

NAGKAROON ng balasahan sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa ilalim ng bagong hirang na director nito na si Menardo De Lemos.

Ayon sa NBI, ginawa ang pagbalasa upang gawing mas epektibo at mas mabisa ang pagtugon ng NBI sa dumaraming pangangailangan pagdating sa investigative and intelligence functions. 

Dagdag pa ni De Lemos, ang bagong istraktura ng pamumuno sa NBI ay naaayon sa bagong NBI Modernization and Reorganization Law o R.A. 10867.

Dahil sa ginawang reshuffle ng mga posisyon sa NBI, si Deputy Director Antonio Pagatpat na ang bagong Deputy Director for Administration (DDA) habang si Assistant Director Jose Justo Yap ang itinalaga bilang Officer-in-Charge (OIC) ng Office of the Deputy Director for Operations (ODDO). 

Si Jose Doloiras naman ang siyang bagong Assistant Director for Investigation Service (ADInvS), habang si Assistant Regional Director (ARD) Roel Bolivar ang siya na ngayong OIC ng Office of the Assistant Director for Intelligence Service (OADIntS), at si Dr. Rommel Papa naman ang magiging OIC ng Office of the Assistant Director for Forensic and Scientific Research Service (OADFSRS).

Ang tatlong tanggapang nabanggit ay pawang nasa ilalim ng ODDO.

Samantala, Assistant Director for Comptroller Service (ADCS) naman si Vicente De Guzman III, si Atty. Leo Edwin Leuterio ang Assistant Director for Human Resource and Management Service (ADHRMS), si Atty. Rustico Vigilia ang OIC ng Office of the Assistant Director for Legal Service (OADLS), habang si ARD Victor Lorenzo naman ang OIC ng Office of the Assistant Director for Information and Communications Technology Service (OADICTS). Ang apat na tanggapan naman ay nasa ilalim ng Office of the Deputy Director for Administration (ODDA). 

Na-reassign din ang mga Regional Director ng NBI, kabilang sina ARD Rommel Vallejo na Acting Regional Director (RD) ng National Capital Region (NCR), Atty. Janet Francisco bilang RD ng Cordillera Administrative Region (CAR), si Hector Geologo bilang RD ng Ilocos Regional Office (IRO) at Arcelito Albao bilang RD ng Cagayan Valley Regional Office (CAVRO).

Binigyang-diin ni De Lemos na sa pamamagitan ng bagong istruktura ng pamunuan ng NBI, paninindigan nito ang kanilang pangako na magsisikap na makapagbigay ng de-kalidad na serbisyo publiko nang may integridad.

Sinabi pa niya na ang pagbabago ng mga opisyal sa mga bagong posisyon ay magbibigay-sigla sa pagtugon ng NBI sa paglutas ng mga kaso ng kriminalidad.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.