SINUSUBAYBAYAN na ngayon ng mga eksperto sa kalusugan ang anim na karagdagang COVID-19 Omicron subvariants sa iba’t-ibang bansa na maaaring mas madaling makahawa at maaaring umiwas sa kasalukuyang mga bakuna, ayon sa isang infectious diseases expert.
Batay sa website ng World Health Organization (WHO), ang mga subvariant ng Omicron na sinusubaybayan noong Setyembre 22, 2022 ay BA.5.1, BA.5.2, BA.2.75, BQ.1, BJ.1, at BA.4.6.
“Although mabababa pa ang mga rate nito sa ibang bansa, pero these six subvariants are being monitored because they have characteristic na puwedeng mataas ang mutation, na puwedeng mataas ang hawaan, at puwedeng makaiwas doon sa mga bakuna o mga antibodies na nakukuha ng mga bakuna,” paliwanag ni Dr. Rontgene Solante sa public briefing.
Ang WHO, na binanggit ang phylogenetic analysis, ay nagsabi na ang mga subvariant na ito ay kabilang sa kasalukuyang umiikot na variant of concern (VOC) na Omicron.
Nagpapakita rin ang mga ito ng mga signals ng transmission advantage kumpara sa iba pang kumakalat na VOC lineages at [may] karagdagang mga pagbabago sa amino acid na kilala o pinaghihinalaang nagbibigay ng napansing pagbabago sa epidemiology at fitness advantage kumpara sa iba pang umiikot na variant.
Sinabi rin ng WHO na ang kategoryang “Omicron subvariants under monitoring” ay idinagdag upang magbigay ng kamalayan sa mga awtoridad sa kalusugan ng publiko sa buong mundo, na ang mga uri ng VOC ay maaaring mangailangan ng prayoridad na atensyon at pagsubaybay.
Ito ay upang imbestigahan din kung ang mga uring ito ay maaaring magdulot ng karagdagang banta sa publiko kumpara sa iba pang kumakalat na mga virus.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay may natukoy nang Omicron subvariants na BA.5, BA.4, BA.2.12.1, at BA.2.75.
Itinutulak naman ni Solante ang isang variant-specific na booster na ibigay sa pangkalahatang populasyon dahil maaaring mas epektibo ito laban sa mas naililipat na variant ng Omicron.
“Again, merong indikasyon na puwedeng maiwasan ang mga antibodies na nakuha natin sa bakuna at mas lalo tayong magkakaron ng infection,” ayon kay Solante.
Sinabi naman ng Department of Health (DOH) na tinitignan na ang pagbili ng pangalawang henerasyon ng COVID-19 vaccines sa unang quarter ng 2023.