NAHARANG ng mga awtoridad ang dalawang outbound at apat na inbound parcels na naglalaman ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng kabuuang P17.04 milyon.
Dalawang kargamento patungong New Zealand na idineklara bilang “Kix Shield Thick Foam” at “Kix Shield” para sa Taekwondo ang nadiskubreng naglalaman ng white crystalline substance at nakabalot sa black duct tape at aluminum foil na may aluminum foil plastic kung saan nakalagay sa loob ng makapal na foam ng kick shields.
Nakuha sa magkabilang pakete ang puting crystalline substance na tumitimbang ng hindi bababa sa 828.8 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P5.6 milyon at ito ay methamphetamine hydrochloride o shabu.
Gayundin, ang apat na inbound parcels na naharang sa Central Mail Exchange Center (CMEC) ay naglalaman ng 1,676 gramo ng shabu na natagpuan sa isang pakete mula Mexico at nakatago sa isang “tamarind ball” na tinatayang nagkakahalaga ng P11.4 milyon. Nasa kabuuang 44 na cartridge na naglalaman ng langis ng cannabis ay natagpuan din sa 3 pakete mula sa USA.
Isinagawa ang operasyon ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) nitong Disyembre 9, 2022.
Nasa kustodiya na ng PDEA ang mga ilegal na droga para sa patuloy na imbestigasyon upang mahuli ang mga nasa likod ng ipinagbabawal na kalakalan.
Kakasuhan sila ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at RA 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ang Bureau of Customs, sa pamumuno ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz at naaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay mananatiling mapagmatyag at matatag laban sa pagpasok ng mga ipinagbabawal na droga at iba pang kontrabando sa lahat ng paliparan at daungan sa buong bansa.
(PHOTO CREDIT: Bureau of Customs)