Abogado, itinumba sa South Cotabato

Share this information:

PATAY makaraang pagbabarilin ng mga tumakas na suspek ang isang abogado sa bayan ng Surallah, South Cotabato, nuong Miyerkules ng hapon.

Tinukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima na si Atty. Juan Macababbad, residente ng Barangay Libertad, ng nabanggit na bayan.

Si Macababbad ay miyembro ng National of Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) at nagsisilbing vice chair ng Union of Peoples’ Lawyers in Mindanao (UPLM).

Lumabas sa paunang imbestigasyon na dakong alas-5:30 ng hapon habang nagsasara ng gate ng kanilang bahay ang abogado ay tumigil sa tapat nito ang dalawang itim na motorsiklo. Bumaba ang isa sa mga suspek at pinuntirya ang biktima.

Mabilis na tumakas ang tatlong suspek na pawang nakasuot ng mask at bonnet.

Bagamat naisugod sa ospital, hindi na rin umabot ng buhay si Macababbad. Patuloy nang sinisiyasat ng mga awtotidad ang motibo at nasa likod ng krimen.

Kinondena naman ng NUPL ang pinakabagong karahasan sa mga abogado na anila’y pang-58 na si Macababbad sa mga napaslang sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

“While the case may go through the usual investigation, as with the other growing number of unresolved cases, it is clear that the murder of Atty. Macababbad is connected to his vocation of lawyering for the people. Atty. Macababbad has been receiving death threats before his murder,” ayon sa pahayag ng grupo

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.