KALABOSO ang isang pasahero na takda sanang makaalis patungong Bangkok,Thailand nang arestuhin ng mga otoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.
Habang nasa departure area na ang lalaking pasahero iniabot sa kanya ng mga operatiba ni P/BGen. Dionisio Bartolome Jr., director ng Philippine National Police Aviation Security Group (AVSEGROUP), ang warrant of arrest na inilabas ng Makati City Metropolitan Trial Court para sa kasong paglabag sa Batas Pambansa 22 o Bouncing Checks Law.
Nasa P3,000 piyansa ang inilagak ng korte sa pansamantalang paglaya nito at nang beripikasyon ng NAIA Police Station 3, may kaso rin itong estafa na inilabas naman ang arrest warrant ng Taguig Regional Trial Court (RTC)na walang inirekomendang piyansa.
Nasa pangangalaga na ng Warrant Section ng kinauukulang police station ang akusado, habang hinihintay pa ang ilalabas na commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology.
“Seamless coordination among airport agencies underscores our commitment to ensuring that fugitives cannot evade the law through air travel,” pahayag ni Bartolome.

