𝐋𝐓𝐎, naglabas ng Show Cause Order laban sa vlogger dahil sa paglabag sa batas-trapiko

NAG-ISYU ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang kilalang social media personality, na driver at rehistradong may-ari ng isang sports utility vehicle, matapos mag-viral ang isang video na nagpapakita ng ilang paglabag sa batas-trapiko.

Sa naturang viral na video, makikitang minamaneho ng vlogger ang sasakyan gamit ang pekeng plaka, hindi nakasuot ang seatbelt at gumagamit ng mobile phone habang nagmamaneho. Ang mga paglabag na ito ay itinuturing na distracted driving at maaaring malagay sa panganib ang ibang motorista.

Kaugnay nito, inatasan ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang nabanggit na vlogger na dumalo sa isasagawang hearing sa LTO – Intelligence and Investigation Division (IID) sa East Avenue, Quezon City.

Kailangan ng vlogger na magsumite ng verified comment/explanation upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng mga kasong paglabag sa Failure to Attach Authorized Motor Vehicle License Plate, Mandatory Use of Seatbelt, Distracted Driving, Reckless Driving at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Inilagay din sa preventive suspension ang driver’s license ng vlogger sa loob ng 90 araw at naka-alarma na ang SUV, isang Ford Expedition, na kinakailangan niyang dalhin sa Motor Vehicle Inspection Facility sa LTO Compound para sa kumpletong roadworthiness inspection.

Nagbabala naman si Asec. Lacanilao sa vlogger na kapag nabigong dumalo o magsumite ng komento, ito ay ituturing na pagbalewala sa kanyang karapatang maipagtanggol ang sarili, at magpapatuloy naman ang LTO sa pagresolba ng kaso batay sa mga dokumentong mayroon ang ahensya.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.