Flood gate, binuksan upang makatulong sa problema ng baha sa lungsod ng Maynila

BINUKSAN ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila ang flood gate na malapit sa lugar ng Manila Yacht Club na palabas ng Manila Bay.

Ang pagbubukas ng nasabing flood gate, na pinangunahan ni MMDA Chairman Ron Artes at Manila Mayor Francisco Domagoso, ay tinitingnan na maaaring makatulong sa problema sa baha sa lungsod.

Ayon kay Domagoso, ginawa ang pagbubukas ng flood gate upang maibsan ang matinding baha sa lugar ng Malate, Ermita, San Andres at Paco.

Kabilang din sa mga kalye na makikinabang sa maayos na pagdaloy ng tubig baha mula sa Estero de Abad ay ang Pablo Ocampo o Vito Cruz, Taft Avenue, Roxas Blvd., at Quirino Avenue.

Mananatiling bukas ang flood gate hanggang sa panahon ng tag-ulan ngunit isasara tuwing panahon ng tag-init upang kahit papaano ay maiwasan ang pagtaas ng coliform level sa Manila Bay.

Nilagyan din ng trash trap ang lagusan ng tubig sa may Manila Yacht Club upang makolekta ng mga tauhan ng MMDA ang mga aanurin na basura at hindi magtuloy-tuloy sa katubigan ng Manila Bay.

Kung mas matindi pa ang pagbaha, posibleng buksan din ang dalawa pang drainage kabilang sa may Remedios lalo na kapag tuloy-tuloy ang pag-ulan at may bagyo.

Inaasahan naman na mababawasan o kahit papaano ay hindi magkaroon ng baha sa bahagi ng Malate lalo na sa kahabaan ng Taft Avenue.

Nilinaw din ng alkalde na malaking tulong ang sewage treatment facility sa Roxas Boulevard subalit dahil sa liit nito ay naiipon ang tubig at nagdudulot ng pagbaha.

“Malaking kaluwagan ito at nakita nga namin kanina ni Chairman kanina na nung inangat, ayon, umagos yung tubig,” ayon sa alkalde.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.