ISANG Chinese national na matagal nang pinaghahanap ng mga awtoridad sa Beijing dahil sa illegal gambling ang hinarang kamakailan ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang 37-anyos na si Wang Yilin ay nahuli sa NAIA Terminal 3 noong Mayo 29 matapos itong dumating sa pamamagitan ng Thai Airways flight mula Bangkok.
Nabatid na hinarang ang nasabing dayuhan matapos makita ang kanyang pangalan sa Red Notice list ng Interpol.
“Wang was deported to Guangzhou two days later at the request of the Chinese government, which informed the BI about his status as a wanted fugitive in China,” ayon kay Tansingco.
Ayon sa BI-Interpol, ang warrant para sa pag-aresto kay Wang ay inisyu ng Bengbu municipal public security bureau sa Anhui province, China noong Setyembre 28 ng nakaraang taon.
Ayon sa mga imbestigador, noong 2019 ay nakipagsabwatan si Wang sa isa pang suspek sa pagpapatakbo ng isang sindikato ng isang gambling platform sa Internet kung saan nakibahagi ang mga customer sa mga pagsusugal online tulad ng Baccarat na labag sa batas ayon sa anti-gambling law ng China.
Tinatantya ng mga awtoridad ng China na ang kinita ni Wang at ng kanyang mga kasabwat mula sa raket na ito ay umabot sa mahigit 60 milyong yuan, o halos US$8.3 milyon.
Dahil dito, si Wang ay inilagay sa immigration blacklist upang tuluyang hadlangan ang kanyang muling pagpasok sa Pilipinas.

