ISANG grupo ng mga magsasaka ang nagbabala sa mga smuggler, broker, hoarder at iba pang mga may kinalaman sa sektor ng agrikultura na nagsasagawa ng “profiteering” at iba pang mga ilegal na gawain na tumigil na sa kanilang pananamantala sa mga magsasaka dahil malapit na silang managot sa batas.
Ito ay kasunod ng pagratipika ng Kongreso at Senado sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Bill noong Mayo 22.
Sa ginanap na media forum sa Maynila, sinabi ni AGAP Partylist Rep. Nicanor Briones, na siyang principal sponsor ng naturang batas, na tama lamang ratipikahan na ang nasabing batas para lagdaan na ito ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ayon kay Briones, kapag napirmahan na ito ng Pangulo ay siguradong may mananagot at matatapos na ang paghihirap at mabibigyan na ng pag-asa ang mga magsasaka at mamimili mula sa cartel, smuggling at iba pang katiwalian.
Naniniwala ang mambabatas na seryoso ang Pangulo na ito ay maging ganap na batas dahil siya mismo ang nagsabi na tutugisin ang mga nagsasamantala sa ating mga magsasaka.
Naniniwala din si Briones na sa ilalim ng batas ay may mga mabibigyan na ng sampol, makakasuhan at makukulong na katumbas ng life imprisonment dahil ito ay non-bailable kahit pa nakaupo sa gobyerno o opisyal ng pamahalaan ang sangkot.
Muli ring iginiit ng mambabatas na kahit ano mang batas ang gawin, ayuda o pondo ang ibigay sa magsasaka, ay walang mangyayari kung patuloy na mananamantala ang mga smuggler, hoarder, cartel at profiteer.
Kaya naman kailangan na sa bubuuing council at technical working group ay hindi dapat kasama ang Bureau of Customs (BOC) dahil walang saysay ang batas na ito tulad sa naunang Anti-Agricultural Smuggling Act, lalo na’t may mga probisyon ito na pabor sa mga smuggler, hoarder, profiteer, at cartel.
Binalaan din ni Briones ang mga broker na nakikipag-sabwatan sa mga smuggler na tumigil na sapagkat nasa ilalim na ang bansa sa tinaguriang “Bagong Pilipinas.”
Pinasalamatan din ni Briones ang ilang mambabatas at senador sa pagratipika sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Bill.

