Panukalang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, pinag-aaralan na sa Kongreso

TINATALAKAY na sa Kongreso ang isang panukalang batas kung saan ang sinumang mahahatulan ng kasong “agricultural smuggling and economic sabotage” ay mahaharap sa habambuhay na pagkabilanggo.

Sa isang media forum, sinabi ni AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones na tinatalakay na sa Bicameral Conference Committee ang panukalang batas.

Giit ni Briones na sa ilalim ng panukala, dapat alisin na ang Bureau of Customs (BOC) at magkaroon ng national council kung saan kasama ang mga kagawaran ng Finance at Justice at iba’t-ibang sektor ng agrikultura.

Ang nasabing sektor ang siyang magbabantay at tumitingin para maging epektibo ang batas na ito, ayon kay Briones.

Idinagdag niya na magkakaroon din ng enforcement group tulad ng sa National Bureau of Investigation, Philippine National Police, Philippine Coast Guard at anti-money laundering council para makita ang mga yumayaman na walang negosyo.

Binigyan-diin pa ng mambabatas na hindi maaaring isingit ang BOC dahil walang saysay ang batas na ito tulad sa Anti-Agriculturtal Smuggling Act dahil may mga probisyon ito na pabor sa mga smuggler, hoarder, profiteer, at cartel.

Paliwanag ni Briones, nahihirapan ng lubos ang mga magsasaka gayundin ang mga konsyumer dahil dito  kaya gumawa sila ng panibagong batas.

Ayon pa kay Briones, walang saysay ang utos ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na habulin at panagutin ang mga sangkot sa smuggling ng mga agricultural products sa bansa kung nariyan pa rin sa council ng bagong batas ang BOC at walang nasasampolan.

Lumalabas aniya na ilan sa mga ito ay kasabwat kaya walang napaparusahan at nagpapatuloy pa rin ang iligal na gawain dahil may mga sangkot o nagtatanggol sa mga ito na opisyal at nakaupo sa gobyerno.

Napakaganda ng batas—ito ang susi at katulad ng ipinangako ng president –dahil gusto niya tulungan ang mga magsasaka at konsyumer,” pahayag ni Briones.

Kumpiyansa ang mambabatas na sa loob ng dalawang linggo ay matatapos ang bicam at mapirmahan na ng pangulo at makikita na ang kanyang ipinangako.

Naniniwala ako na maging batas ito, dapat maunawaan nglahat sa Kongreso at Senado na matagal nang hinihintay ito na dapat mabigyan ng pag-asa ang mga magsasaka,” dagdag pa ni Briones. 

Ayon naman sa mga magsasaka, naniniwala sila na magiging batas ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na matagal na nilang hinihintay at magbibigay sa kanila ng pag-asa at liwanag gayundin sa mga mamamayang Filipino.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.