INIULAT ng Commission on Elections (Comelec) na mayroon nang mahigit isang milyong mga aplikante ang nagpa-rehistro na para makaboto sa susunod na halalan.
Ang bilang ay naabot halos isang buwan pagkatapos magsimula ang registration period noong Pebrero 12, ayon sa poll body.
Sinabi ni Comelec Chair George Erwin Garcia noong Sabado na noong Marso 6, nasa kabuuang 1,027,572 na aplikasyon ang naproseso na sa buong bansa sa mga tanggapan ng Comelec, satellite centers at “Register Anywhere Program” (RAP) stations.
Ang nangungunang rehiyon na may pinakamaraming aplikante ay ang Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) na may 187,372; Metro Manila, 156,990, Central Luzon, 111,681; Central Visayas, 79,552; at Davao na may 63,998 na mga aplikante.
Target ng komisyon ang tatlong milyong bagong botante para sa 2025 midterm elections bago matapos ang registration period Setyembre 30, 2024.
Binuksan ng Comelec ang mga RAP station sa mga mall, tanggapan ng gobyerno, at sa mga malalaking kumpanya upang matulungan ang mga aplikante o potensyal na botante na hindi kayang makabalik sa kanilang mga sinilangang bayan sa mga lalawigan upang magparehistro, gayundin ang mga nagnanais na ilipat ang kanilang mga presinto ng pagboto o muling buhayin ang kanilang rehistrasyon bilang botante.
Kung maaabot ng Comelec ang target na 3 milyong bagong mga botante, madaragdagan na ang 65 milyong mga botane na nagparehistro noong nakaraang 2022 national elections.
Umabot naman sa 37 milyon ang mga botante na nasa edad 18 hanggang 41 noong nakaraang halalan.
Wala namang inilabas na profile breakdown ang Comelec ng mga bagong botante ngunit dahil sa demograpiko ng bansa, ang profile ng mga botante para sa 2025 mid-term elections ay inaasahang magiging katulad ng mga naunang halalan.
Sa kabilang banda, iniulat din ng Comelec na ang hardware na gagamitin para sa 2025 automated election system ay inaasahang bago na.
Noong nakaraang Pebrero, iginawad ng poll body ang P18-bilyong service contract sa isang joint venture na pinangungunahan ng isang kumpanya mula South Korea para magbigay ng 110,000 vote-counting machine, mahigit 100,000 ballot box, at humigit-kumulang sa 2,200 consolidation at canvassing server at printer.
Kasama rin sa kontrata ang gagamiting papel para sa halos 74 milyong balota.
