SUPORTADO ni Senador Sherwin Gatchalian ang “Catch Up Fridays” na patakaran ng Department of Education (DepEd) na ipinapatupad na nito upang pahusayin ang kasanayan sa pagbabasa ng mga mag-aaral.
Binigyang-diin ni Gatchalian sa Kapihan sa Manila Bay ang pangangailangan na ipatupad ang programa kung isasaalang-alang na malaking bilang ng mga mag-aaral sa bansa ang hanggang ngayon ay nahihirapan pa sa pagbabasa.
Ang mga resulta ng 2022 Program for International Student Assessment (PISA) ay nagpakita na 76 porsiyento ng mga 15-taong-gulang sa bansa ay hindi nakaabot sa pinakamababang kasanayan sa pagbasa.
Para sa 2022 round ng PISA, ang Philippine average na 347 sa Reading ay mas mababa pa rin sa average ng mga bansa sa ilalim ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) na nasa 476.
Isinasaad din ng OECD na ang mga 15-taong gulang na mag-aaral ng bansa ay dapat makakaunawa na sa literal na kahulugan ng mga pangungusap o maiikling sipi.
Ang OECD ay ang grupo na nagsasagawa ng PISA.
“Sinusuportahan natin ang pagpapatupad ng ‘Catch-Up Fridays’ dahil ito ay mag-aambag sa pagpapalakas ng kakayahan ng ating mga mag-aaral na bumasa. Nakita natin sa datos na marami sa ating mga mag-aaral ang nangangailangan ng tulong pagdating sa pagbabasa, kaya naman mahalagang suportahan natin ang mga programang tutugon sa pangangailangan nila,” sabi ni Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na sinimulan ng DepEd ang “Catch-Up Fridays” noong Enero 12.
Ang programa ay ipinatutupad sa lahat ng pampublikong elementarya at hayskul, gayundin sa community learning centers (CLCs) sa buong bansa.
Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 001 s. 2024, lahat ng Biyernes ng Enero ay ilalaan sa aktibidad na Drop Everything at Read activity.
Ayon sa DepEd memo, ang “Catch-Up Fridays” ay kinakailangan at mahalaga para sa National Reading at Mathematics Program na parehong kritikal na subprogram ng National Learning Recovery Program.
Isinusulong din ng senador ang mga hakbang na magpapalakas sa kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbasa. Isa sa mga ito ay ang ARAL Program Act (Senate Bill No.1604) na naglalayong magtatag ng isang pambansang learning recovery program upang mabawasan ang mga epekto ng COVID-19 pandemic.
Inihain din niya ang National Reading Month Act (Senate Bill No.475) na naglalayong gawing institusyonal ang pagdiriwang ng National Reading Month tuwing Nobyembre upang itaguyod ang kultura ng pagbabasa.

