SINABI ng Bureau of Immigration (BI) na naharang ng mga operatiba nito ang isang Amerikano na tinaguriang “sex offender” matapos itong magtangkang pumasok sa bansa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang pasahero na si Zachary Tyler Thompson, 39 anyos, na inaresto sa NAIA Terminal 1 pagbaba nito sakay ng isang eroplano ng Philippine Airlines mula Los Angeles, USA.
Si Thompson ay nahatulan noong 2013 at 2015 dahil sa pagtatago ng malalaswang kagamitan at pangmo-molestiya sa isang menor de edad.
Nauna rito, naaresto rin ang isa pang Amerikano na si Paul Neal Coltharp, 46 anyos, sa NAIA Terminal 1 noong Disyembre 27, 2023 pagbaba nito sakay ng Eva Air flight mula Taipei, Taiwan.
Ayon sa pamahalaan ng US, si Coltharp ay nahatulan ng isang korte sa California ng child molestation noong 1998, kung saan ang kanyang biktima ay isang 14-anyos na batang babae.
Ang dalawa ay agad na pinabalik sa kanilang bansa at ang kanilang pangalan ay isinama sa BI blacklist ng mga “undesirable aliens.”
Paliwanag ng BI chief, ang mga registered sex offender (RSO) katulad ng dalawa ay walang puwang sa ating bansa.
(MAIN PHOTO: BI Facebook page)

