Comelec, sinuspinde ang proklamasyon ni Tulfo bilang party-list nominee

SINUSPINDE ng Commision on Elections (Comelec) ang proklamasyon ni dating Social Welfare secretary Erwin Tulfo bilang nominee ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) Party-list dahil sa disqualification petition na inihain laban sa kanya.

Sa pahayag na inilabas ng Comelec, ang petition for disqualification laban kay Tulfo ay dahil sa alegasyon kaugnay sa pagkwestyon sa kanyang “citizenship” at “conviction by final judgement of a crime involving moral turpitude.”

Ayon sa Comelec, ang disqualification ni Tulfo ay hiniling ni Atty. Moises Tolentino Jr. sa pamamagitan petisyon na inihain noong Pebrero 28.

Ipinaliwanag ng Comelec na sa ilalim ng Section 8, Rule 5 ng Comelec Resolution No. 9366, ang isang proklamasyon ng isang nominado ay maaaring masuspindi kung malakas ang ebidensya sa Petition for Disqualification at hindi pa rin nareresolba ang mga ito.

Nakatakda namang i-raffle ang disqualification case ni Tulfo sa isang dibisyon para sa pagsasagawa ng mga pagdinig sa Marso 6.

Inihayag ni House Majority Leader Mannix Dalipe noong Pebrero 22 na nagbitiw si ACT-CIS party-list Rep. Jeffrey Soriano, na nagbunsod sa nominasyon ni Tulfo bilang kapalit sa kinatawan ng Kamara.

Dalawang beses na itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Tulfo bilang kalihim ng social welfare ngunit hindi ito kinumpirma ng Commission on Appointments sa gitna ng libel conviction nito at ang pagkwestyon sa kanyang citizenship.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.