“Libreng Sakay” program ng gobyerno, ikinakasa sa Abril

IKINAKASA ng gobyerno na masimulan na sa Abril ang pagpapatupad ng expanded “Libreng Sakay” program nito.

Sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Executive Director Maria Kristina Cassion na hinihintay na lang na mailabas ang alokasyong pondo para sa ikatlong tranche ng Service Contracting Program (SCP).

Una nang ini-anunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) na ibibigay na nito sa Department of Transportation (DoTr) ang P7-bilyong pondo para sa implementasyon ng Libreng Sakay at maisama na rin ang iba pang public utility vehicle (PUV) drivers at operators tulad ng mga jeep at UV Express.

Gusto namin na itong service contracting, dito po napapaloob yung ‘Libreng Sakay’ na program natin, eh maipatupad sa lalong madaling panahon,” ayon kay Cassion.

Inaantay lang natin ang pag download ng budget sa LTFRB and hopefully, the soonest possible time ngayong April masimulan na natin ang service contracting para ngayong taon,” dagdag nito.

Sa ilalim ng service contracting program, ang mga operator at drayber na makikilahok sa Libreng Sakay ay makatatanggap ng one-time payout na P4,000 at lingguhang bayad base sa kilometro ng kanilang naibiyahe kada linggo, may pasahero man o wala.

Sinabi ni Cassion na inaasahan na ng DOTr na mas maraming drayber at operator ang makikilahok sa programa ngayong taon.

Dahil po nakita na ng operators ang kagandahan, inaasahan po na mas marami ang sasali ngayong taon. Mas nadagdagan din naman po ang ating pondo kung kaya po sa mas maraming sasali, mae-expect po natin na mas marami pa rin pong pasahero ang makikinabang sa service contractor,” ayon pa kay Cassion.

Tinatayang nasa 44 milyong pasahero ang makikinabang sa servicing program ng pamahalaan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.