Dalaga, pinagnasaan ng pinsang binata sa Navotas; suspek, kulong

DIRESTSO sa kulungan ang isang 19-anyos na lalaki matapos nitong pasukin at pagnasaan ang kanyang pinsang buo habang natutulog ang dalaga sa loob ng silid nito sa Navotas City.

Nasakote ng mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 2 nitong Lunes ang binatang suspek na itinago sa pangalang “Roger.” Ito ay matapos magsampa ng reklamo ang nagsisilbing guardian ng 19-anyos na biktimang itinago sa pangalang “Marimar” nang magsumbong sa kanya ang dalaga.

Ayon sa pagsisiyasat ng Navotas Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), habang natutulog ang dalaga sa loob ng kanyang silid sa kanilang tirahan sa Brgy. Tangos South dakong alas-6 ng gabi noong Linggo ay palihim na pumasok ang suspek, na halatang nasa impluwensiya ng alak.

Naalimpungatan na lamang ang biktima nang maramdamang nakababa na ang kanyang suot panloob at nakatakda ng ilugso ng sariling kaanak ang kanyang puri kaya’t bumalikwas siya ng bangon at nagtatakbong palabas ng silid.

Kaagad nagsumbong ang biktima sa tumatayo niyang tagapag-alaga na agad namang nagtungo sa SS-2 upang ireklamo ang sariling kaanak ng dalaga.

Nakatakda namang iprisinta sa piskalya ng Navotas ng WCPD ang suspek para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa R.A. 8353 o ang Anti-Rape Law.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.