APAT na indibidwal ang inaresto ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU) sa Angeles City dahil sa ilegal na posesyon at paggamit ng pekeng bank notes.
Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric Distor ang mga suspek na si Joeylyn Castro, Virgilio Yalung, Zenia Andres at Marilyn Lucero.
Ayon kay Distor, nag-ugat ang operasyon mula sa impormasyon na ang grupo ng mga indibidwal ay patungo sa isang money changer sa Angeles City upang magpapalit ng pekeng US dollars ng Philippine Peso.
Dahil dito, nakipag-ugnayan ang NBI-SAU sa Payments and Currency Investigation Group, Office of the Assistant Governor, Payments and Currency Development Sub-Sector ng Bangko Sentral ng Pilipinas (PCIG-PCDSS, BSP), at sa lokal na awtoridad.

Nagtungo ang NBI-SAU sa Angeles City at sinubaybayan ang galaw ng dalawang suspek na kalaunan ay nakilalang sina Castro at Yalung.
Nang magtungo sa money changer ang dalawa, hindi pinalitan ang dolyar dahil ito ay counterfeit.
Sa pagkakataong ito, nilapitan na ng NBI-SAU ang mga suspek at agad inaresto .

Nakumpiska sa kanila ang 78 na piraso ng pekeng US dollar bill na may iba’t-ibang mga serial number.
Ibinunyag naman ng dalawa ang pinanggagalingan ng nasabing mga pekeng dolyar kaya agad nagsagawa ng follow up operation ang NBI kung saan naaresto naman sina Zenia Andres at Marilyn Lucero sa Anopol, Bamban,Tarlac.
Kakaharapin naman ng mga suspek ang kasong illegal possession and use of false treasury or bank notes and other instruments of credit na nauugnay sa Article 166 (forging treasury or bank notes on other documents payable to bearer).

