MALUBHANG nasugatan ang isang factory worker na sinaksak ng ka-barangay nito nang tangkain nitong umawat sa gulo ng kanyang kapatid at ng suspek sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.
Inoobserbahan na sa Valenzuela Medical Canter sanhi ng tinamong dalawang saksak sa katawan ang biktimang si Alan Robas, 36 anyos, ng Road 3, Lingahan, Brgy., Malanday.
Nakapiit naman ngayon habang nahaharap sa kasong Frustrated Homicide at paglabag sa Batas Pambansa Bilang 6 ang suspek na kinilalang si John Mark Salazar, 23 anyos, ng No. 354 I Marcelo St., Brgy., Malanday.
Sa imbestigasyon nina PCpl. Reynaldo Cabales Jr, PCpl. Almann Bohol at PCpl. Rhod Roveen Ramores, dakong alas-11 ng gabi nang komprontahin ng suspek sa I Marcelo Street ang kapatid na lalaki ng biktima hinggil sa malalaswang mensahe sa kanyang pamangking babae hanggang sa mauwi sa suntukan ang dalawa.
Matapos nito, hinabol ni Salazar ang kapatid ni Robas na naging dahilan upang umawat ang biktima subalit nabaling sa kanya ang galit ng suspek at dalawang beses siyang inundayan ng saksak sa katawan.
Kaagad inireport ang insidente sa barangay hall ng Malanday kaya’t agad namang rumesponde sa lugar si PSMSgt. Roberto Santillan ng Sub-Station 6 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at narekober sa kanya ang ginamit na patalim habang isinugod naman ang biktima sa naturang pagamutan.

