NAGKAROON ng outbreak ng COVID-19 sa isang pribadong bahay ampunan sa Barangay Bagumbuhay, Quezon City makaraang magpositibo sa virus infection ang 122 na mga bata at tagapag-alaga ng mga ito.
Ayon kay Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) chief Dr. Rolando Cruz, 99 sa mga tinamaan ng COVID-19 sa Gentle Hands Orphanage ay edad 18 pababa.
Nasa mahigit animnapu sa mga nagkasakit ay mayruong sintomas at naihiwalay na sa loob ng bahay ampunan.
Sinabi naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na 51 sa mga bata ay edad dalawa hanggang 10 taon; 48 ang edad 11 hanggang 18 anyos at 23 ang adult o nasa tamang edad.
“Rather than take out the positive patients in 73% of the total population while the testing is still ongoing… the CESU endorsed this to the barangay as a ‘special concern lockdown,’ this is our version of the granular lockdown,” ayon kay Belmonte.
Batay sa paunang contact tracing, isang positibo sa COVID-19 pero asymptomatic na indibidwal ang bumisita sa ampunan at hindi umano batid na nagdala ito ng virus sa lugar.
“Kailangang mapanatili ng mga ganitong closed long-term care facilities ang mahigpit na protocols dahil kahit isang kaso lang ang makapasok sa kanila ay madaling mahahawa ang lahat,” diin ni Cruz.
Patuloy nang minumonitor ng lokal na pamahalaan ang kondisyon ng mga pasyente at nagpadala na rin ng mga suplay sa mga ito kahit sa mga hindi nahawa ng virus dahil naka-lockdown ngayon ang lugar.
Samantala, babala naman ni Belmonte na kailangang mahigpit na nasusunod ang minimum public health protocols sa lahat ng mga katulad ding establisyimento.
“Mariin nating ipinapaala na ang hindi pagsunod o hindi pagpapatupad ng minimum public health protocols ay paglabag sa RA 11332. Dapat maging mahigpit ang ating persons in authority sa pagpapatupad nito para maiwasan natin ang pagkalat ng virus,” ani Belmonte.