PATAY ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) makaraan itong malunod sa isang beach resort habang isineselebra ang kanyang kaarawan sa Ternate, Cavite.
Wala ng buhay na narekober ng kanyang kasamahan ang biktima na si Police Major Salvador Garcia, nakatalaga sa Las Pinas City Police Station 4, mula sa pagkakalunod sa Caysubic Beach Resort sa Puerto Azul pasado alas 2 ng madaling araw nitong araw ng Linggo, September 5, 2021.
Sinubukan pang isugod sa Naic Doctors Hospital si Garcia subalit idineklara ng dead on arrival.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon ng kasiyahan ang grupo ni Garcia sa nasabing resort dahil sa kanyang birthday celebration.
Habang nasa kalagitnaan umano ng inuman ay nagtungo ang biktima sa dagat para maligo at hindi na ito nakabalik pa.
Nakita na lamang ng kanyang mga kasamahan na palutang lutang sa dagat malapit sa dalampasigan si Garcia matapos ang 40 minuto. Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari at pinag-aaralan na din kung may pananagutan ang may-ari ng resort dahil pinayagan na magkaroon ng party sa kabila na ang lalawigan ng Cavite ay nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) at pinagbabawal parin ang pagtungo at maligo sa mga beach resorts at water park.

