Sabay na i-aanunsyo ni Senador Manny Pacquiao kung ano ang magiging plano nito sa eleksyon 2022 at sa kanyang karera sa larangan ng boksing.
Ayon kay Pacquiao, sa Setyembre nito pormal na ihahayag kung tutuloy siyang kumandidatong presidente at kung magreretiro na sa boksing.
Si Pacquiao ang itinutulak ng paksyon nito sa partido ng administrasyon na PDP-LABAN na tumakbong Presidente.
Sinabi ni Pacquiao na masyado pang maaga sa ngayon para maghayag ng desisyon nito bagamat nagbigay siya ng pahapyaw o clue hinggil sa kanyang pulitikal na plano.
“Mag-announce ako ng mga magandang programa ng ating bansa. Lahat ng paraan para sa ikauunlad ng ating bansa. Lahat ng programang ikagaganda ng bayan natin, whether ako o sino man na gustong maging lider ng bansa. Ako naman, may isang term pa akong senador,” ani Pacquiao.
Sa lunes ng umaga inaasahang darating ng Pilipinas si Pacquiao matapos ang naging laban at matalo sa cuban boxer na si Yordenis Ugas.
Ayon sa senador, sasailalim muna sila sa mandatory quarantine bilang pagsunod sa health protocol bago ikasa ang kanyang pag-anunsyo ng mga plano.

