SA kulungan ang bagsak ng tatlong hinihinalang drug personalities, kabilang ang dalawang ginang, matapos masakote ang mga ito sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang mga suspek na sina Belen Delemos alyas “Ateng,” 50 anyos, ng F. Sevilla Blvd. Brgy. Tañong, Edward Nicolas, 43 anyos, ng Heroes St., DM Compound, Caloocan City, at Evelyn Moises, 59 anyos, ng Sapa Brgy. Panghulo.
Ayon kay PSSgt. Jerry Basungit, may hawak ng kaso, dakong ala-una ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy-bust operation kontra kay alyas Ateng sa Gov. Pascual corner Macopa Road Brgy. Potrero.
Kaagad inaresto ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng P500 halaga ng droga ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 2.80 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P19,040, at buy-bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

